Windows Media Player
-babaeng apathetic
(bOW)
(“Stars are blind” ng lola niyong si Paris Hilton)…
Fine. Lagi siyang tama. Lahat na lang hindi ko kayang ipagtanggol ‘pag nagtatalo kami lalong-lalo na pagdating sa absolute truth, sa pederalismo ni Pimentel, sa teorya ng conspiracy sa lunar landing, sa kryptonite at kaugnayan nito kay Superman, at siyempre, sa pangalawang pagkakataon.
Genius nga, pero hindi niya inaamin. Ingenious lang daw ang lalaki, walang utak gaya ng dakilang si Einstein pero marunong maghanap ng solusyon sa lahat ng bagay. Ba’t naman kasi ipinanganak siyang romantiko, matalino at pilosopo. Paano niya kaya nalaman na tipo ko ‘yung mga istrangherong gano’n? Paano niya kaya nalaman na ikamamatay ko ang mga kantang binabanggit niyang ipapa-patent para sa ‘kin?
Natatakot lang ako, tsong. Kumusta na man ‘yon kung hindi naman pala talaga siya at akala ko lang? Pero, paano naman ‘yon kung siya naman pala talaga at hindi ko lang maamin sa buwisit na sarili kong ito? Ba’t kasi ngayon pa kung kailan ipinagkalandakan ko na sa buong mundo na mananatili akong nag-iisa sa ngayon? Bakit ngayon pa kung kailan nagsasanay akong maging apathetic? Buhay nga naman oh…mapagbiro madalas.
Ewan ko pero tanda ko pa na magkaklase kami noon. Oo, sa isang asignaturang hindi ko masyadong gusto pero nagustuhan dahil sa guro at sa mga kaklase kong hindi ko pinagsawaang tingnan at ngitian araw- araw. Siyempre, marunong pa akong ngumiti noong nasa ikalawang antas pa lamang ako sa kolehiyo. Hindi pa naman ako masyadong emo noon eh. Ganu’n, wala lang, magkaklase lang kami, nagkasama sa pangkat na palaging nakikitalo sa argumento ng aming mga kaklase. Wala lang, magkasama sa pangkat na kinabibilangan ng itinuturing nilang matitinong estudyante sa literatura (kahit kailan naman ay hindi ‘yon naging totoo, pwamis!). Wala namang nangyari nang naging magkaklase kami, simple lang ang lahat.
Pero, bakit iba na ngayon? Wala naman akong ginawa, sa pagkakaalam ko. Siguro, ‘yun ‘yong dahilan dahil wala akong ginawa, wala akong ginawa para pigilan ang pagtibok ng sensitibo niyang puso. Oo, napakasensitibo na sa bawat malungkot na istorya ng buhay sa show ni Willie, pumapatak ang mga luha niyang minsan ay hindi mo malaman kung saan galing, kasi ‘di mo aakalaing marunong palang umiyak ang isang tulad niya. Sa likod ng matabang pangangatawan at kung minsa’y nakakairitang halakhak na galing sa maingay niyang bunganga, ‘di mo masasabing apektado siya sa bawat kwento ng buhay. Ang henyo nga naman, ngayon, napatunayan ko nang weirdo talaga.
Hindi ko na alam ang susunod, tsong. Kalaban ko kasi sa pagkalitong ito ang sarili ko. Minsan sa buhay ko, may nangakong iibigin ako habang buhay. Naniwala naman ang lokang ‘to. Siyempre, ikaw ba naman ang iyakan sa harap ng mismong barkada mo, ‘di ka maniniwala? Manhid ka na siguro sa lahat ng emosyon kung ganito ka, o hindi naman kaya’y ‘ni minsan, ‘di ka umibig.
Alam ko naman kung paano tumibok ang puso kaya nagpakalunod ako sa pakiramdam na ‘yon. At nalunod nga ako, hindi na nga ako nakahinga pagkatapos n’un, eh.
Ikaw kaya ang dalhin sa kalagitnaan ng 10-feet pool at iwan bigla? Alam niya na hindi mo kayang tumayo sa gitna ng pool na ‘yun nang mag-isa at alam mo rin sa sarili mo na hindi ka marunong lumangoy. Ano pa nga bang maaasahan mo? Siyempre, kamatayan. Kamatayan ng lahat ng ‘yong mga binuong pangarap n’ung nasa gilid ka lang ng pool na ‘yon, kamatayan ng lahat ng mga taong binibigyan ka ng halaga, kamatayan ng masayahin at buhay mong sarili.
Mabuti na lang nu’ng nalulunod na ako, may nakita akong liwanag. Naaalala niyo ‘ung isang scene sa TRIP? Y’ung scene kung saan na-aksidente si Jericho Rosales? May nakita siyang liwanag habang papalubog sa baha ang kotse niya. Utos ng direktor, sundan niya ‘yong liwanag at ginawa niya. Utos sa akin ng DIREKTOR, sundan ko ‘yong liwanag at ginawa ko.
At nabuhay na naman ang apatetikang ‘to. Hindi pa pala ako pwedeng malunod, hindi ko pa nakukuha ang transcript ko sa opisina ni Cadapan at ‘di ko pa nasusunog ang opisina ng dean ng AS. Isa pa, ‘di pa kami nagkikita uli ng lalaking nagdala sa ‘kin sa kalagitnaan ng pool. Kaya, ‘di pa ko pwedeng mag- out of this world.
Pero, problema na naman. Para kasing papalapit na naman ako sa pool na ‘yun. Hindi pala, hindi lang yata pool, parang pacific ocean na yata. Lagot, tsong. Takot pa naman ako sa dagat, tsk…tsk…tsk… Kasi naman eh…
Bakit ngayon pa kung kailan ayoko munang mag-cruise? Nakakalungkot naman. Hindi ko alam ang gagawin. Nalilito ako.
Sabi niya, kaya niyang maghintay, hindi nga lang hanggang habang buhay. Eh, paano naman ako? Hindi ko nga alam kung kailan ako mag-dedesisyon. Hindi ko rin alam kung ano talagang nararamdaman ko para sa kanya.
Gusto ko ‘yong taong ‘yon. Pero, magkaiba naman ang gusto at pag-ibig, di ba?
Ba’t ngayon parang hindi ko yata mapuna kung ano ang pagkakaiba ng dalawa? Kasalanan siguro ng kantang “Officially Missing You” ni Tamia na siyang tugtog ngayon sa windows media player.
PS:
expirEd na ni nga istOry so, d na bLa mangutAna..asHishi..(pausOng tawA)..
(BOW)..